MANILA, Philippines - Tutungo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development sa Quezon City ang mga biktima ng bagyong Yolanda upang dalhin ang mga bulok na relief goods na ipinamahagi sa kanila sa Tacloban City.
Nakatakdang ibalik ng grupong People Surge, sa pamumuno ni Sister Edita Eslopor ang mga sirang relief goods sa opisina ni DSWD Secretary Dinky Soliman.
Ipapanawagan din ng grupo ang hindi pa naaabot na tulong ng ibang nasalanta ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa na tumama noong Nobyembre.
Nauna nang hiniling ng grupo na makatanggap sila ng P40,000 na tulong pinansyal para sa anila'y kanilang muling pagsisimula sa buhay.
Higit walong libo ang nasawi sa pagtama ni Yolanda kung saan iba't ibang bansa ang nagpaabot ng tulong sa Pilipinas.