17-anyos inutas ng kapwa binatilyo

Bumulagta sa minamanehong pedicab ang binatilyong si Dominique­ Magdula matapos na barilin ng umano’y naka­alitan nitong kapwa binatilyo kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila. (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 17-anyos na pedicab driver nang resbakan ng  nakaalitang kapwa menor de edad sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Bala sa likod ng ulo at punong tenga ang tinamo ng biktimang si  Dominique Magdula, residente ng Canal de Reina St., Tondo, Maynila.

Nabatid na bumangga pa ang pedicab nito sa nakaparadang jeep matapos na mabaril.

Tinatayang nasa 14-16-anyos ang suspek na may taas na 4’11’’, nakasuot ng itim na t-shirt at kulay brown na short pants at armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section,  dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril  sa  panulukan ng Herbosa at Cabangis St., Tondo, Maynila.

Ayon sa pulisya, papauwi na  ang biktima upang isoli na ang pedicab sa operator nang biglang lapitan ng suspek at sunod-sunod na paputukan ng baril at nang bumagsak ay saka nilisan ng suspek.

Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente kaugnay sa binatilyong  nakaalitan umano ng biktima na posibleng dahilan upang gantihan ito.

Show comments