MRT muling nagkaaberya

MANILA, Philippines - Muling nadismaya ang ma­raming pasahero matapos muling  magkaroon ng aberya at pansamantalang pagkaparalisa sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT)  sa bahagi ng Gil Puyat Ave­nue, Makati City hanggang Taft Avenue, Pasay City dahil sa communication at signaling system, kahapon ng umaga.

Sinabi ni MRT General Manager Al Vitangcol, alas-7:00 ng umaga naging limi­tado ang biyahe ng kanilang mga train mula North Ave­nue hanggang Shaw Boulevard sa magkabilang linya.

Pagsapit ng Shaw Boulevard ay pinababa na ang mga pasahero kaya’t mula sa Boni Station at hanggang Buendia ay itinigil na rin ang biyahe dahilan upang maapektuhan ang Gil Puyat Ave­nue Station hanggang Taft Avenue Station.

Ayon kay Vitangcol halos­ kapareho ang naging problema ng train  noong Sabado  dahilan upang  magpatupad sila ng provisional service.

Aniya nagkaroon ng pro­b­lema sa communication at signaling system mula sa Buendia Station hanggang Taft Avenue kaya’t hininto ang biyahe ng kanilang mga train.

Subalit makalipas ang dalawang oras ay naibalik na muli sa normal ang ope­rasyon ng MRT alas-9:25 ng umaga

Dahil rush hour mara­ming mananakay ang nagalit at nainis sanhi ng perwisyong idinulot nito sa pagpasok nila sa trabaho.

Nabatid, na noong Sa­bado ng hapon ay nagka­aberya rin ang biyahe ng MRT3 mula Shaw Boulevard hanggang sa Taft-EDSA Ave­nue matapos ma­hinto ang operasyon sa magka­bilang linya dahil sa isang computer malfunction.

 

Show comments