11 barangay sa Makati bubuksan sa motorista

MANILA, Philippines - Nag-umpisa nang makipag-ugnayan sa mga sektor na sangkot ang pamahalaang lungsod ng Makati para bumuo ng komprehensibong “traffic scheme” upang mabawasan ang inaasahang matinding pagbubuhol sa daloy ng trapiko kaugnay ng proyektong Skyway Stage 3 sa Abril 15.

Kasama sa pulong ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Railways, Citra Expressway Central Corporation, Toll Regulatory Board, Manila Water, FPIC, First Balfour/PIC, Ayala Land Inc., at Makati Parking Authority.

Itatayo ang Skyway 3 sa SLEX-Sergio Osmeña Ave. at inaasahang magiging ma­tindi ang pagsisikip ng trapiko sa Osmeña at Kalayaan Ave.

Upang mapagaan ang trapiko sa naturang lugar, plano ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay na pabuksan para sa mga motorista ang mga kalsada sa mga barangay ng San Isidro, San Antonio, Poblacion, Bel-Air, Bangkal, Sta. Cruz, Palanan, Olympia, Pio del Pilar at La Paz.

Sinabi ni Binay na suportado niya ang proyekto na inaasahang magdudulot ng dagdag na ginhawa para sa mga motorista ngunit may kaakibat na problema sa pagbubuhol ng trapiko sa mga panahon ng konstruksyon nito.

Pinag-usapan rin ang pagsasabay-sabay ng mga proyekto sa kalsada tulad ng rehabilitasyon ng Magallanes Interchange, relokasyon ng FPIC gas pipeline, at mga proyekto ng “huge double box culvert” ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) at pagkakabit ng mga tubo ng Manila Water.

Maglalabas ang pamahalaang lungsod ng pinal na “traffic management plan” pagkatapos nilang rebisahin ang lahat ng proyekto at mga panukala kabilang ang “re-routing schemes”.

Nanawagan naman ang Department of Environmental Services ng Makati sa mga kontraktor ng iba’t ibang proyekto na huwag galawin ang mga halaman at puno na napuna nilang binabaunan ng mga pako o ginawang poste ng mga istruktura.

 

Show comments