‘Gapos gang’ nabuwag: Lider, 4 pa timbog

MANILA, Philippines - Nalambat na nang tropa ng Quezon City Police District (QCPD) ang lider ng kilabot na Cuya robbery holdup group o Gapos gang at apat pang kasamahan nito matapos ang walang humpay na hot-pursuit operation sa Olongapo City, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano, ang mga suspek na sina Jonathan Cuya, 23, ang tumatayong lider ng grupo; kapatid na si Jose Cuya Jr., 25; Michael Tolentino, 19; Martin Lalata, 27; at Rodolfo Lalata Jr., 23.

Ayon kay Albano, ang mga suspek ay nadakip ng mga tropa ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa pamumuno ni Chief Insp. Rodelio Marcelo, matapos ang walang humpay na hot pursuit operation kasunod ng panghoholdap nila sa bahay ng isang negosyante sa Seattle St., Brgy. Immaculate Concepcion na nakuhanan ng tinatayang nagkakahalaga ng P2 milyon.

Sabi ng opisyal, si Jonathan, alyas Don-Don, ay may warrant of arrest na may kaugnayan sa robbery in band dahil sa pagkakasangkot nito sa serye ng robbery incident.

Dagdag ng opisyal, nadakip ang grupo sa may isang resort (Diamond Beach ) na mata­tagpuan sa Brgy. Barreto, Olongapo City kung saan sila naglagi matapos makapangulimbat.

Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng QCPD-CIDU mula sa kanilang impormante hinggil sa pagkakakita kay Cuya sa Subic Zambales, nitong Marso 9, 2014 kaya agad isinagawa ang ope­rasyon.

Nasamsam sa grupo ang isang colt 380 na pag-aari umano ng huli nilang biktima; isang ruger p89;  isang Pietro Barreta 9mm; isang fragmentation grenade; isang Mitsubishi Lancer; at isang kulay silver na Hyundai van (XBT-665)

Samantala, ina­alam pa ng CIDU kung sangkot ang grupo sa may 12 insi­dente ng robbery-hog-tied-homicide at carnapping na naganap noong taong 2013.

 

Show comments