Tumangging masita Rider utas sa engkuwentro
MANILA, Philippines - Isang lalaki na tumangging masita ng pulisya dahil sa pagdadala ng motorsiklo na walang plaka at walang suot na helmet ang nasawi makaraang makipagbarilan sa mga humuhuli rito sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay PO2 Alvin QuiÂsumbing, may hawak ng kaso, walang nakuhang pagkakakilanlan sa nasawing suspek na inilarawan sa edad na 35-40, may taas na 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng jacket at maong na pants.
Nakasagupa ng suspek ang tropa ng Quezon City Police Station 11 na kasalukuyang nagpapatrulya sa may kahabaan ng E. Rodriguez Avenue.
Nangyari ang engkwentro sa may Mata sa Nayon St., Brgy. San Isidro, ganap na alas-5 ng hapon habang nagpapatrulya ang tropa ng PS11 sa E. Rodriguez malapit sa panulukan ng Welcome Rotonda sa Brgy. Don Manuel nang maispatan nila ang suspek na sakay ng motorsiklo at angkas ang isang babae.
Dahil ang dalang motorsiklo ay walang plaka at hindi pa naka-suot ng helmet ang mga ito, tinangka silang pahintuin ng mga operatiba para sa beripikasyon.
Pero sa halip na huminto, pinaharurot umano ng rider ang kanyang motorsiklo, sanhi para habulin sila ng mga operatiba.
Nakorner ng mga opeÂraÂtiba ang suspek sa nasabing lugar at sa halip na sumuko ay binunot umano ng huli ang kanyang baril saka pinutukan ang mga una.
Dahil dito, wala nang nagawa ang mga awtoridad kundi ang gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. Ang kasamahang babae ng suspek ay mabilis namang nakatakas.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives narekober sa katawan ng biktima ang isang kalibre 45 baril na may magazine at may lamang limang bala. Habang sa crime scene naman ay mga basyo at bala ng kalibre 9mm na baril.
- Latest