MANILA, Philippines - Patay ang isang preso habang malubhang nasugatan ang isa pa matapos magpang-abot ang dalawang gang sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa NBP Hospital ang inmate na si George Almo, miyembro ng ‘Sigue-Sigue Sputnik Gang’, nasintensiyahan sa kasong murder sanhi ng isang saksak sa katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit pa ring ospital ang isa pang preso na si Nolpi Ladiao, miyembro naman ng ‘Batang City Jail’ (BCJ), sentensiyado sa kasong attempted rape at homicide, sanhi ng tinamong isa ring saksak sa katawan.
Base sa report na natanggap ni NBP Supt. Fajardo Lasangan, naganap ang unang insidente ng pananaksak alas-8:15 ng umaga sa basketball court ng maximum security compound ng nasabing piitan.
Naglalaro ng basketball ang grupo ng BCJ nang bilang lumapit ang isang miyembro ng Sputnik na nakilalang si Enrico De Asis at bigla na lamang nitong sinaksak si Ladiao sa hindi mabatid na dahilan.
Makalipas ang kalahating oras, alas-8:45 ng umaga habang papunta naman sa chapel sa loob pa rin ng maximum security compound si Almo ay bigla rin itong sinaksak ng hindi pa nakikilalang bilanggo.
Kaagad na isinugod ang mga biktima sa nabanggit na ospital, subalit hindi na ito umabot pa ng buhay
Sinabi ni Lasangan, nagpatupad na sila ng padlock policy sa loob ng NBP sa lahat ng bilanggo upang hindi na muling maulit ang insidente.
Sinabi pa ng opisyal na kasalukuyan na nilang nire-review ang kuha ng close circuit television (CCTV) footage upang alamin kung sino ang may kagagawan ng panaÂnaksak kay Almo at ang naganap na kaguluhan sa basketball court.
Aniya patuloy pa rin nilang iniimbestigahan ang insidente at maging si Asis ay pansamantalang hiniwalay muna sa kulungan upang imbestigahan kaugnay sa ginawa nitong pananaksak kay Ladiao.
Masusi namang pinaiimbestigahan ni DOJ Secretary Leila de Lima ang naturang insidente, maging kung papaanong naÂipupuslit ang mga patalim sa loob ng nasabing piitan.