Lola na pasahero ng bus, utas sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Patay ang isang 60-anyos na lola makaraang tamaan ng ligaw na bala nang magpaputok ng baril ang isang magnanakaw na nakipagbarilan sa mga umaarestong pulis, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nasawi dahil sa tama ng bala ng kalibre .9mm sa leeg ang biktimang si Rebecca Sapelino, ng Calumpit, Bulacan.

Sugatan at isinugod sa Caloocan City Medical Center makaraang magtamo ng tama ng bala sa dibdib ang suspek na si Elmer Orfano, 18, ng Merculo Street, Olongapo City.

Sa ulat ng Caloocan City Police, sakay ng bus sa may Rizal Avenue, Monumento sa naturang lungsod ang biktima dakong alas-7:55 ng gabi nang tamaan ng bala at mawalan ng malay.

Nabatid na planong makipagkita ng suspek na si Orfano kay John Mark Navarro, 38, upang ipatubos ang ninakaw nitong cellular phone.  Nataranta umano ang suspek nang makita si Navarro na may kasamang mga pulis kaya walang habas itong nagpaputok sa lugar at minalas na tinamaan ng ligaw na bala ang lolang si Sapelino.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan nang bala ang suspek sa dibdib.

Ayon kay Navarro, una nilang pinagnakawan ang bahay ng kanyang mga magulang sa Olongapo City at kasama sa tinangay ang kanyang cellular phone.  Kaniya itong tinawagan na sinagot naman ni Orfano hanggang sa magkasundo na magkikita sa Monumento upang tubusin ang naturang gadget.

Dito na humingi ng saklolo si Navarro sa mga pulis bago ang kanilang pagkikita.  Nakuha naman sa posesyon ng suspek ang tatlong cellular phones, isang kalibre .9mm na baril na may dalawang magazine, isang granada, isang iPhone, at isang relo.

 

Show comments