4 pintor hulog mula 4th floor: 3 patay, 1 grabe

MANILA, Philippines - Tatlong construction worker­ ang nasawi, habang isa pa nilang kasamahan ang nasa malubhang kala­gayan, makaraang sabay-sabay na mahulog sa ika-apat na palapag na gusali na kanilang pinipinturahan sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ni PO2 Anthony Tejerero, nakilala ang mga nasawi na sina Noel Odot,  33;  Emmanuel Cruza,  32;  at Mark Truces, 25; pawang mga house painter at stay-in sa kanilang pinagta-trabahuhan sa lungsod.

Patuloy namang ino­ob­­ser­­bahan sa ospital ang kasamahan nilang si Bejan Sapungan, 29, dahil sa ma­tinding tama sa ulo at ka­tawan na tinamo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang in­sidente alas-11:41 ng umaga­ sa may Lipton Building St., Greenville Subdivision, Brgy. Sauyo sa lungsod.

Bago ito, ayon kay Bernie Badayos, nakita pa niya ang mga biktima na nagpipinta sa may ika-apat na palapag ng nasabing gusali.

Ilang sandali, nakarinig na lang umano si Badayos ng malakas ng kalabog mula sa nasabing lugar.  

Agad namang pinun­tahan ni Badayos ang pinangga­lingan ng kalabog, hanggang sa makita niya ang mga biktima na duguang nakahandusay sa se­mento. Nakakabit pa umano ang naputol na bakal na harness sa kanilang mga ka­tawan.

Sa puntong ito, mabilis na humingi ng saklolo si Ba­dayos sa kanyang mga kasamahan at itinakbo ang mga sugatang biktima sa magkahiwalay na ospital ng Global Medical Center (GMC) at East Avenue Medical Center (EAMC) para magamot.

Sa pagsisiyasat ng awtoridad ang mga biktima ay pawang nagtamo ng matin­ding pinsala sa kanilang mga ulo at bugbog sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sanhi ng pagkamatay ng tatlo sa mga ito.

 

Show comments