Anak ni Jose Manalo nagtangkang magpakamatay

Eat Bulaga host Jose Manalo.

MANILA, Philippines – Uminom ng iba’t ibang gamot ang 17-anyos na anak ng komedyante at TV host Jose Manalo nang magtangkang kitilin ang sariling buhay sa loob ng inuupahang condominium unit sa San Juan City.

Sinabi ng abogado ng anak ni Manalo na si Dennis Pangan na nagtangkang magpakamatay ang kanyang kliyente bandang alas-10 ng gabi kagabi dahil sa matinding kalungkutan.

"Kagabi po bandang alas diyes ay nagtangkang magpakamatay itong pangalawa sa bunsong anak ni Jose Manalo ng Eat Bulaga sa pamamagitan ng pag-inom ng sari-saring gamot na nandun at nung abutan po ng kanyang ina ay nakahandusay na po yung bata at wala na pong malay at sinugod po sa pagamutan," pahayag ni Pangan sa isang panayam sa radyo.

Dagdag ng abogado na nag-iwan pa ng suicide note ang dalagita kung saan nakasaad ang mga hindi natupad na pangako ni Manalo, kabilang ang pagbabayad ng matrikula.

"Laging umiiyak at laging hinahanap yung tatay at hinahanap yung mga pangako ng tatay na siya'y haharapin na sila'y susuportahan. At dahil po sa hindi pagsuporta sabata, ito ngang nag-suicide ay 'di na pumasok sa eskwelahan tapos nalipat ng eskwelahan. Pinangakuang babayaran yung tuition fee. Hindi binabayaran yung tuition fee. At last week, sinabihan na hindi mag-aaral yung bata," kuwento ni Panga.

"Sobrang pagdaramdam po dahil kada makausap ko po yung batang yan at puntahan ko sa kanilang tirahan ay lagi hong umiiyak at humahagulgol at tinatanong nya lagi na bakit ganun ang kanyang ama na hindi man lang kinakalinga yung kanyang bunsong kapatid," dagdag niya.

Aniya matinding lungkot ang pinagdaanan ng anak ni Manalo dahil na rin sa hindi pag-alala sa anak nitong nakaraang pasko.

"Sobrang depressed po sya para sa bunsong kapatid dahil yung Pasko raw po ni isang kendi wala daw pinadala yung tatay o ng kung ano man na naalala sila ng tatay nila. Parang hanggang ngayon ho ay parang hindi sila tinuturing na anak ng kanilang tatay," wika ni Pangan.

Kasalukuyang nasa ospital ang anak ni Manalo sa Pasig City kasama ng ina nito.

Nitong Disyembre ay naghain ng kasong child abuse ang anak ni Manalo laban sa kanya sa Quezon City Regional Trial Court dahil sa hindi pagbibigay ng tulong pinansyal.

Show comments