MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong estafa at perjury ang isang pulis matapos na ireklamo ng kanyang kabaro na pulis-Maynila makaraang ibulsa umano ng una ang tinaÂtayang P200,000 na pina-loan ng huli.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS) ang biktimang si PO3 Melvin Pornillos, 39, ng Tondo, Manila at nakatalaga sa MPD-Station 1 upang ireklamo si SPO1 Lovely Bacani, dating nakatalaga sa MPD-D1 at ngayon ay nakatalaga na sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPHAU) sa National Capital Regional Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig City.
Sa reklamo ng biktima, noong February 5, 2014, biÂnigyan ni Pornillos ang suspek ng Special Power of Attorney (SPA) upang siyang mag-loan sa kanyang salary at kumuha ng kanyang suweldo.
Gayunman, natuklasan na lamang ni Pornillos na nakuha na ng suspek ang halagang P200,000 loan niya subalit hindi ito ibinigay sa kanya.
Nalaman din na napa-encash ng suspek ang tseke ng biktima sa pamamagitan ng pamemeke sa kanyang signature.
Bukod sa P200,000 na loan, nakuha rin ng suspek ang kanyang mga suweldo sa pamamagitan din ng pameÂmeke ng pirma ng biktima.
Nabatid na itinuturing umano ng biktima ang suspek na kanyang matalik na kaibigan kaya nito pinagkaÂkatiwalaan.
Nakatakdang magharap ang dalawa sa MPD-GAS bukas.