Lolo, tiklo sa iligal na droga

MANILA, Philippines - Sa kabila ng kanyang kapansanan, nagawa pang  magtulak ng illegal na droga ng isang 59-anyos na lolo  na dinakip sa isang buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Nakadetine ngayon sa Taguig Police Detention Cell ang suspek na nakilalang si Carlos Antonio, residente ng #39 Dinggin Bayan St., Ibayo Tipas, ng naturang lungsod.

Bukod kay Antonio, dina­kip din ng pulisya ang tatlo pa niyang mga kasamang sina Albert Juta, 46; Nashef Lonto, 28 ng Mabini St., Kapasigan, Pasig City at Eric Cueva, 40, ng Kalawaan St., Pasig City na kasabwat umano ng matanda sa pagtutulak ng droga.

Sa ulat, isang buy-bust operation ang ikinasa ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAID-SOTG).  Dinakma ng mga naka­antabay na pulis si Antonio nang iabot ang isang pakete ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer ma­tapos na bayaran ng P2,000 marked money.

Itinanggi naman ni Lonto ang bintang subalit po­sitibo siyang itinuro ng ilang mga residente sa lugar na umano’y sangkot din sa pagbebenta ng droga.

Kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous­ Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya sa mga suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office. 

 

Show comments