MANILA, Philippines - Arestado na ang isang dating pulis na subject sa ‘shoot to kill order’ noon ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim na kabilang sa grupo na nangholdap at pumatay sa isang negosÂyanteng Tsinay at pagkakasugat pa ng kapatid na lalaki at ama nito, sa Binondo, Maynila noong Enero 11, 2012.
Sa pamamagitan ng warrant of arrest na ipinaÂlabas ng Manila Regional Trial Court Branch 42, dinakip ng grupo na pinamumunuan ni Chief Inspector Dennis Wagas-hepe ng Manila Police District-GeÂneral Assignment Section sa isang bahay sa Cogeo, Antipolo City dakong alas 3:50 kamakalawa ng hapon ang suspek na si PO1 Ernesto Binayug Jr. Walang piyansang inirekomenda laban dito.
Si Binayug na dating nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), na isa nang AWOL ay isa sa apat na suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Heidi Hsu, 26, at pagbaril din sa kapatid na si Herbert, 24; at ama nilang si Tony, 67; at panghoholdap, sa paÂnulukan ng Madrid at LaÂvezares Sts., sa BiÂnondo, Maynila.
Nasaksihan ng ama na si Tony ang paglapit ng mga suspek sa kanyang mga anak na hinoholdap at nang saklolohan ay siya rin ay pinagbabaril ng apat na mga suspek bago tumakas sakay na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo dala ang mga armas.
Dinala sa pagamutan ang mga biktima subalit dead-on-arrival si Heidi.
Kagagaling lamang umano ng mga biktima sa pagsasara sa kanilang tindahan ng sibuyas sa Divisoria market nang maganap ang panghoholdap at pamamaril.
Sa imbestigasyon, lumalabas na kabilang si Binayug sa mga suspek at batay na rin sa nakita sa closed circuit television (CCTV) footage.
Depensa naman ng suspek sumuko siya matapos magpalamig ng dalawang taon sa Cagayan dahil sa takot. Handa na umano siya ngayong harapin ang kaso.