MANILA, Philippines - Matapos na mapagalitan at maistorbo sa paglalaro sa popular na computer game na DOTA, isang 17-anyos na binatilyo ang pinatay sa gulpi ang kanyang sariling lola sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO3 Jaime de Jesus, hindi umano maalala ng suspect na binatilyo ang aktuwal na nangyari.
Tanging nasabi umano nito ay nag-black out siya at ang sumunod niyang naalala ay nililinis na niya ang mga ebidensiya sa lugar na pinangyarihan ng krimen sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Batasan Hills sa lungsod.
Ayon pa sa pulisya, ang 68-anyos na lola nito ay nasawi noon din bunga ng tinamong mga sugat sa ulo, leeg, dibdib at sugat sa braso na pinaniniwalaang pinangsangga pa nito.
Binanggit ng menor-de-edad na suspect na naglalaro siya ng DOTA o ‘Defense of the Ancients’ sa isang computer shop malapit sa kanilang bahay nang puntahan siya ng kanyang lola dakong alas-6 ng gabi.
Nang makauwi na sila ay doon siya pinagalitan ng lola at pagkatapos noon ay naganap na ang pag-atake dito ng una.
Matapos na bumulagta ang biktima, sinimulan namang linisin ng apo ang bahay at agad na nagtungo sa kanyang tiyahin dakong alas-10 ng gabi at ipinagÂtapat dito ang nangyari.
Nabatid pa kay De Jesus na ang palanggana na ginamit ng suspect sa paglinis sa lugar na pinangyarihan ng krimen ay natagpuan malapit sa bangkay ng biktima.
Napag-alaman na ang suspect ay nakatira sa bahay ng kanyang lola na siyang nagpalaki rito.
Ang suspect ay buhat umano sa broken family kung saan ang kanyang mga magulang ay kapwa may iba nang pamilya.
Ang suspect ay itinurn-over sa custody ng social workers.