LTFRB muling nagsampol Prangkisa ng Elena Liner, MGP trans, kinansela

MANILA, Philippines - Kinansela ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang isa sa dalawang prangkisa ng Elena Liner at ang buong fleet ng MGP Trans.

Ito ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez ay makaraang mapatunayan ng LTFRB board na nagkasala ang Elena Liner sa batas at patakaran ng ahensiya makaraang araruhin ng isang bus nito ang mga nag-aabang na pasahero sa loading bay sa EDSA-Magallanes noong Nobyembre 14, 2013 saka bumangga sa isang unit ng MGP Trans Dahlia dahilan nang pagkasawi ng 7 katao at pagkasugat sa 38 iba pa.

Sinabi ni Ginez na ang mga nakanselang prangkisa ay kinapapalooban ng 21 bus nito.

Binanggit pa ni Ginez, bukod sa naging kapabayaan ng driver  malaki rin ang paglabag ng operator ng Elena sa mga panuntunan sa pagkakaroon ng prangkisa.

Gayunman, nilinaw nito  na maaari pa ring bumiyahe ang siyam na units ng Elena na hiwalay sa prangkisa ng nasangkot na bus sa aksidente.

Samantala,  buong fleet naman ng MGP na may 18 bus ang kinansela rin ng LTFRB ang operasyon nang masangkot sa aksidenteng nabanggit, napatunayan ng LTFRB na naipapasada pa rin ang naturang mga bus kahit hindi rehistrado sa LTO.

Sinasabing di na nairehistro sa LTO ang mga bus ng MGP dahil ang mga unit nito ay phase out na o may 15 years old na ang mga bus nito.

 

Show comments