Army Sergeant todas sa hit-and-run

MANILA, Philippines - Patay ang isang miyembro ng Philippine Army makaraan itong aksidenteng ma-hit-and-run sa kahabaan ng C5 Road, Taguig City, ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Staff Sergeant Jonathan Yoro, 37, tubong Binirayan Hills, San Jose, Antique at nakatalaga sa Post Provost Marshall Headquarters and Headquarters Support Group ng Philippine Army.

Naulila ng biktima ang misis nitong si Mary Grace at apat  na anak na ang pinakabunso ay 3 buwang sanggol.

Sinabi ni Philippine Army Spokesman Lt. Col. Noel Detoyato­, naganap ang insidente habang lulan ang biktima ng motorsiklo nitong Yamaha sa kahabaan ng C5 road na patungo sana sa Aranai, Brgy. Ususan, Taguig City ng ma-hit-and-run ng isang rumaragasang sasakyan na may plakang PHQ-104.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sa kaniyang motorsiklo bunsod upang magtamo ito ng mga malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Detoyato, nagawa pang maisugod sa Pateros Ge­neral Hospital ang biktima pero binawian din ng buhay makalipas lamang ang isang oras.

Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Philippine Army sa Taguig City Police upang mapanagot sa batas ang driver ng behikulong naka-hit-and-run sa nasabing sundalo. Samantalang tiniyak naman ng opisyal na ibibigay ng liderato ng Philippine Army ang karampatang tulong para sa pamilya ng nasawing sundalo.

Show comments