MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang miyembro ng ‘Bahala ng Gang’ makaraang pagbabarilin sa loob ng isang bakanteng bahay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SPO1 Pascual Fabreag, wala silang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima maliban sa tattoo ng kanyang gang sa kanang hita. Inilarawan nila ito sa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’1’’, at nakasuot ng jacket, at six pocket na short pants. Natuklasan ang bangkay ng biktima ni Sinab Macarampat sa isang bakanteng bahay sa Alsalam St., at Basilan St., Brgy. Culiat matapos nitong marinig ang sunud-sunod na putok ng baril na nagmula dito ala-1:30 ng madaling-araw.
Nang kanyang tignan ang pinanggalingan ng putok ay saka bumulaga sa kanyang harapan ang nakahandusay na katawan ng biktima. Agad na ipinagbigay-alam ng testigo ang insidente sa awtoridad. Narekober sa lugar ang tatlong basyo at isang tingga ng bala ng kalibre 45; at isang sachet ng hinihinalang shabu; tatlong piraso ng lighter; dalawang improvised tooter at apat na aluminum foil. Inaalam pa ng awtoridad kung may kinalaman ang mga narekober na paraphernalia sa pamamaril sa biktima.