Murder suspect dedo sa engkwentro

MANILA, Philippines - Patay ang isa umanong murder suspect makaraang makipagpalitan ng putok sa mga umaarestong awtoridad sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) chief Supt. Richard Albano ang nasawi na si Mark Lawrence Escultor, 27, residente sa Block 5, Lot 148, Pook Libis, Brgy. UP Campus, Diliman, QC.

Ayon sa heneral, si Escultor ay nanlaban sa mga pulis na nagsagawa ng follow-up operation laban sa kanya makaraang paslangin ang isang Danny Panaligan ng Flores St., Brgy. Krus na Ligas.

Nangyari ang engkwentro, ganap na alas-12:30 ng madaling araw sa may Sitio San Isidro, Brgy. Bagong Pag-asa.  

Bago ito, pinagbabaril at napatay ng suspek si Panaligan sa may Maginhawa St., Brgy. UP Village,  saka tumakas.

Dahil sa insidente, nagsasagawa ng follow-up operation ang tropa ni Insp. Diogenes Gaoaen sa pinaglunggaan ng suspect. Nang tunguhin ang lugar, agad itong napuna ng suspect kaya mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo kasabay nang pagpapaputok sa mga parak.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na ikinatama ng suspect. Isinugod pa  ang suspek sa East Avenue Medical Center, pero idineklara ding dead on arrival.

Narekober naman sa crime scene ang isang Rusi motorcycle; isang kalibre 38 baril; isang bala; dalawang bala ng kalibre 357; siyam na basyo ng bala ng kalibre 38; at cash na nagkakahalaga ng P1,700.

 

Show comments