Batang hamog na mandurukot hinabol mister nadukutan na, nabundol pa

MANILA, Philippines - Nadukutan na, nabundol pa. 

Ito ang masaklap na nangyari sa isang mister na nga­yon ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital matapos ang insidente sa lungsod Quezon, kahapon ng ma­daling-araw.

Ang biktima ay kinilalang si  Noel Abarga, 54, ng Kapiligan St., Brgy. Doña Imelda, sa lungsod. Si Abarga ay nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang katawan at kasalukuyang nakaratay sa East Avenue Medical Center.

Ang driver ng Hyundai Accent sedan MGE taxi (UND-317) na nakabundol sa biktima na si  Ireneo Supe, 48, ay hawak na ngayon ng awtoridad. 

Ayon kay PO2 Leonardo Policarpio, ng Quezon City Traffic Sector 4, nadisgrasya ng taxi ang biktima makaraang tangkain nitong habulin ang isang batang hamog na nandukot sa kanyang wallet. 

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng E. Rodri­guez Avenue malapit sa panu­lukan ng G. Araneta Avenue, Brgy. Doña Imelda, ganap na alas-2:30 ng ma­daling-araw.

Pasakay sana umano ng pampasaherong jeepney ang biktima nang biglang dukutin ng isang batang hamog ang kanyang wallet at nagtatakbo papalayo sa may nasabing lugar.

Sa kagustuhang mabawi hinabol ng biktima ang bata, pero habang papatawid sa E. Rodriguez Avenue  ay bigla itong nabundol ng taksi na minamaneho ni Supe na ga­ling sa direksyon ng Welcome Rotonda patungo Cubao.

Sa tindi ng pagkaka­bangga ay nawalan ng ulirat ang biktima. Agad namang dumating ang rescue team ng MMDA at isinugod ang biktima sa East Avenue Me­dical Center kung saan ito inoobserbahan.

Sabi ng imbestigador, perwisyo talaga ang inaabot ng mga mananakay sa mga batang hamog na kung hindi mandurukot ay manghahablot ng kuwintas o hikaw para lang may pambili ng droga.

Samantala, kasong reckless imprudence resulting in serious physical injury ang kinakaharap ngayon ng driver.

 

Show comments