Chinese national huli sa drug equipment sa terminal

Ang Chinese national  na si Zhang Youhuo matapos masabat sa  may terminal ng bus at nasamsaman ng drug paraphernalia sa isinagawang operasyon kahapon sa lungsod Quezon. (Kuha ni BOY SANTOS)  

MANILA, Philippines - Isang Chinese national ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makuhanan ng drug paraphernalias habang papasakay ng isang pampasaherong bus sa lungsod, iniulat kahapon.

Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano, ang suspek na si Zhang Youhuo, 46, tubong Jianxi, China.

Ayon kay Albano, ang suspek ay naaresto matapos ang pakikipag-dialogo nila sa mga bus operators laban sa mga drug traffickers na ginagamit na transport points ang mga bus terminals.

Sa ulat, naaresto ang suspek sa may Araneta Bus terminal sa Cubao, ganap na alas-9 ng umaga.

Bago ito, habang nagsasagawa ng inspeksyon ang security guard na si Alexander Bayle sa nasabing terminal, nakiusap ito sa dispatcher ng Cagsawa bus na buksan ang styrofoam box na pag-aari ng suspek.

Sabi ni Albano, ang nasabing kahon ay isasakay sana ng suspek sa bus at dahil nagduda ang sekyu sa deklarasyon nito na ang kahon ay naglalaman ng kasangkapan sa pagmimina ay nagpasya ang huli na tignan ito.

Pagkabukas ng sekyu ng kahon ay saka nadiskubre na naglalaman ito ng assorted laboratory paraphernalia at equipments dahilan para agad na ipabatid ng una ang nakita sa nagpapatrulyang pulis ng PS7 at paimbestigahan.

Agad na kinumpiska ng awtoridad ang mga paraphernalia mula sa suspek saka ipinadala sa District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG).

Nang isumite ang paraphernalia sa crime lab, lumabas na naglalaman ito ng dalawang piraso ng 25ml volumetric pipettes na may presensya ng crystalline substance, isang uri ng mapanganib na droga.

Kasong paglabag sa section 12 (possesion of equipment, instrument, apparatus and other paraphernalia) Article 11 ng Republic act 9165 ang isinampa laban sa suspek kay assistant prosecutor Rogelio Antero.

 

Show comments