Brgy. captain utas sa ambush ng tandem

MANILA, Philippines - Isa na namang ba­rangay captain ang nasawi makaraang tambangan ng  riding-in-tandem habang ang una ay sakay ng kanyang sasakyan  papunta sa barangay hall para sa kanilang flag raising cere­mony kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Namatay habang gina­gamot sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tatlong tama ng bala sa katawan ang bik­timang si Alejandro Boni­facio, 54, residente at  chairman ng Barangay 163 sa Sta. Quiteria ng lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police, alas-8:00 ng umaga­, nasa passenger side ang biktima ng kanyang SUV at habang papunta sa ba­rangay hall nang biglang sumulpot ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng baril ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang agad din namang isinugod ang biktima sa pagamutan su­balit hindi na umabot pang buhay.

Inaalam na ng mga pulis kung may kinalaman sa pulitika, negosyo o personal ang dahilan  ng pana­nambang.

Noon lamang Biyernes ng gabi isang barangay chairman sa Batangas ang nasawi rin makaraang su­mabog ang isang granada sa sinasakyan nitong van.Kasama nitong nasawi ang kanyang misis habang da­lawa pa ang nasugatan.

 

 

Show comments