MANILA, Philippines - Patay ang isang 35-anyos na mister nang makipagkita sa isang kakilala na bumaril sa kanya sa ulo sa harap ng kanyang misis, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Ranil Espiritu, residente ng Quintos St., Sampaloc, Maynila.
Itinuturong salarin ang isang Ryan Gonzales, na residente ng Bambang St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa panulukan ng Ma. Clara at Quintos Sts., Sampaloc, Maynila.
Ayon sa misis ng biktima na si Alma, natutulog na sila nang tawagan ang kanyang mister sa cellphone at pinaÂpapunta umano ito sa isang lugar ng suspect.
Pinagbigyan at nagÂtungo ang mag-asawa sa lugar kung saan dinatnan nila ang suspek at daÂlawa pang lalaki na nag-iinuman.
Umupo ang biktima sa tabi ng suspek at saka nag-usap hanggang sa magtalo na umano ang dalawa.
Bumunot umano ng baril ang suspek at itinutok muna sa likod ng tenga ng biktima hanggang sa tuluyan itong pinaputok.
Nang bumagsak ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang suspek at daÂlawang kainuman nito sakay ng isang tricycle.
Isinugod naman sa University of Santo Tomas Hospital ang biktima na namatay dakong ala-1:00 ng madaling-araw.
Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang motibo at maaresto ang tumakas na suspek.