MANILA, Philippines - Isang lalaki na nagtangkang mangholdap sa isang money transfer ang sugatan makaraang mabaril ng rumesÂpondeng pulis sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano, ang sugatang suspek na si Jeric Licudan, 36, ng Roosevelt Avenue, Brgy. San Francisco Del Monte sa lungsod.
Siya ay nabaril ni PO1 Jojo Basquinas na nakatalaga sa may Talipapa Police Station, makaraang tangkain niya at kanyang kasamang manlaban habang pinigilan sa tangkang panghoholdap sa money transfer.
Nangyari ang insidente alas-4:40 ng hapon sa LBC Tandang Sora Avenue branch.
Sabi ni Albano, si Basquinas ay naatasang magpatrulya sa besinidad ng LBC branch dahil sa mga nakaraang holdapan sa mga establisimento.
Nasa comfort room ng establishment ang parak nang pumasok ang lalaki at nagdeklara ng holdap at pinagtutukan ng baril ang mga kawani nito.
Isang kawani na si Claro Garapan Jr. ang agad na tumakbo sa cr at ipinabatid kay Basquinas ang pangyayari. Agad namang lumabas ang pulis na agad na pinaputukan ni Licudan ang pulis, pero nagmintis ito, dahilan para bunutin ng pulis ang baril at paputukan ang parak.
Pero sa kabila ng tama ni Licudan sa likod at braso ay nagawa pa nitong makatakbo palabas ng LBC kasabay ang kasama, at iniwan ang baril niyang kalibre .22 na revolver.
Sa patuloy na pagtugis ay natukoy ng mga otoridad ang kinaroroonan ni Licudan sa Quezon City General Hospital, kung saan ito itinakbo para malapatan ng lunas dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang braso at likod.
Dagdag ni Macapagal, kapwa positibong kinilala nila Garapan at Basquinas ang sugatang suspek na kabilang sa nangholdap sa naturang establisyemento.