Govt prosecutor, sinakal ng convicted kidnapper
MANILA, Philippines - Sa galit matapos hatulan, sinakal ng isang convicted kidnapper ang isang government prosecutor matapos na masentensiyahan ang una ng parusang habambuhay na pagkabilanggo na walang parole, kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Si Onofre Surat Jr., na nahatulan sa kasong kidnap for ransom ay sinakal si Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon sa leeg habang nasa labas ng Regional Trial Court branch 226, ganap na alas- 10 ng umaga.
Ayon kay Supt. Ritchie Claraval, hepe ng Quezon City hall detachment, sa kabila na ang mga kamay ni Surat ay nakaposas nagawa pa rin nitong atakehin si Fadullon na siyang natatanging prosecutor sa kaso.
Dagdag ni Claraval, agad namang naawat ng mga jail guards si Surat saka inilayo mula kay Fadullon.
Sabi naman ni Insp. Melchor Oca, si Fadullon ay dinala sa ospital para sa medical examination.
Habang si Surat naman ay iniskortan na ng mga jail guards patungo sa kanyang destinasyon.
Si Surat ay sangkot sa kasong pagkidnap at pagpatay kay Mark Harris Bacalla, anak ni dating QC- RTC Judge Marciano Bacalla.
Alas-10:30 ng umaga kahapon nang hatulan ni QC RTC Judge branch 226 Manuel Sta. Cruz Jr. si Surat .
- Latest