200 dagdag na pulis sa People Power anniversary

MANILA, Philippines - Magpapadala ng karagdagang tropa ang Quezon City Police District (QCPD) para ma-proteksyunan ang mga mamamayang makikiisa sa selebrasyon ng ika-28 anibersaryo ng People Power Revolution sa Edsa.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano, kada taon umano ay nagtatalaga sila nang mga pulis sa kahabaan ng Edsa upang mangalaga sa seguridad at daloy ng trapiko dito habang isinasagawa ang naturang okasyon.

Patungkol anya sa seguridad, partikular na pinatutukan niya sa kanyang tauhan ang mga kriminal na mananamantala sa pagdiriwang lalo na ang mga sindikato ng ‘Bukas kotse gang’, mandurukot at snatcher.

Bukod dito, tutulong din ang QCPD sa mga kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para maisaayos ang daloy ng mga sasakyan sa pagdarausan ng pagdiriwang.

May 200 pulis ang itatalaga ng QCPD sa kahabaan ng EDSA hanggang sa posibleng pagdausan ng rally sa EDSA People Power Monument.

Kahapon, sinimulan nang linisin ng mga MMDA employee ang Edsa People Power Monument para sa nasabing pagdiriwang.

 

Show comments