MANILA, Philippines - Matapos pumalag, isang dalaga ang nasa kritikal na kondisyon nang barilin ito ng hindi kilalang kalalakihan na nang-hold-up sa kanya sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tama ng bala sa mukha ang biktimang si Cristine Demiar, 22, ng Phase 8-A, Bagong Silang ng naturang lungsod habang nagsasagawa naman ng follow up operations ang pulisya laban sa mga suspek.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-6:40 ng gabi habang sakay ang biktima at mga suspek ng isang
pampasaherong jeep at pagsapit sa Main Road ng Phase 1, Bagong Silang ay naglabas ng mga baril ang mga ito at nagdeklara ng hold-up. Nang kukunin ng mga suspek ang dalang bag ng biktima ay pumalag ang dalaga na naging dahilan upang barilin ito ng isa sa mga holdaper.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala as naturang ospital.