MANILA, Philippines - Magkakaroon ng ‘window hours’ sa pagpapatupad ng truck ban sa Lunes.
Ito naman ang ipinahayag ni Diego Cagahastian, Media Information Bureau chief ng Manila City Hall kung saan tiniyak nito na tuloy pa rin ang truck ban alinsunod sa ordiÂnansang ipinasa ng konseho ng Maynila.
Ayon kay Cagahastian, ipatutupad ang truck ban simula alas-5:00 hanggang alas-10:00 ng umaga kung saan magkakaroon ng ‘window hours’ mula 10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Sa nasabing ‘window hours’ papayagan ang mga truck na makabiyahe at muli na namang itutuloy ang oras ng truck ban mula alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Ipinaliwanag ni Cagahastian na concession ay lumitaw matapos ang pagpupulong nila Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa mga opisyal at kinatawan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Metro Manila Development Authority, Truckers Associations, Local Government Units o LGUs at maging ang Commission on Human Rights o CHR.
Ito aniya ay para ayusin ng Philippine Ports Authority ang sistema ng mga pumaÂpasok na truck sa pier.
Binigyan-diin naman ni Annie Tubera, Media Relations Officer ni Moreno na tatagal lamang ang ‘window hours’ sa loob ng anim na buwan na palugit sa PPA
Samantala sa naturang ‘window hours’ maaari na ring makabiyahe ang mga truck sa kahabaan ng Roxas Boulevard patungong Quirino Avenue. Una nang ipinagbawal ang pagdaan ng mga truck sa Roxas Blvd sa loob ng 24 oras.
Ayon naman kay Estrada, ang pakikipagkompromiso sa mga negosyante ay isang positibong hakbang ng pamahalaan ng Lungsod para sa ikabubuti ng lahat.