Fish vendor dedo sa boga, kita tinangay pa

MANILA, Philippines - Isang fish vendor ang patay makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na tumangay pa sa dala nitong pera sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Si Dante Awa, 37, ay galing sa Commonwealth Market nang ambusin ng dalawang suspek sa kanyang bahay sa Bgy. Commonwealth. Kinuha pa ng mga suspek ang P20,000 kita ng biktima sa pagtitinda ng isda sa palengke matapos ang krimen.

Ayon kay PO2 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may bahay ng biktima, partikular sa Steve St. Bgy. Commonwealth, ganap na alas-8:15 ng umaga.

Kadarating lamang umano ni Awa kasama ang kanyang asawang si Lalaine at bayaw na si Joven Bilolo sa kanilang bahay buhat sa magdamag na pagtitinda nang biglang sumulpot ang mga suspek mula sa kanyang likuran at pinagbabaril ito hanggang sa bumuwal. Hindi pa nakuntento, kinuha pa ng mga suspek ang dalang bag na may lamang P20,000 ng duguang biktima saka mabilis na nagsipagtakas.

Si Awa ay nasawi sa mga tama ng bala sa buong katawan buhat sa 9 mm pistola at isang kalibre .380 pistola base sa narekober ng awtoridad na basyo sa crime scene.

 

Show comments