MANILA, Philippines - Pinag-iingat ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga commuters lalo na ang mga umuuwi sa dis-oras ng gabi at sumasakay sa pampasaherong jeepney laban sa mga holdaper matapos na muling mambiktima ang notoryus na grupo sa lungsod, kamaÂkalawa ng gabi.
Ayon kay Police Supt. Limuel Obon, hepe ng QCPD Station 10, ginawa niya ang babala matapos na makilala ng mga biktima mula sa rogue gallery ang isa sa tatlong suspek na nangholdap sa kanila na si Joey Boy Comora, miyembro ng Bahala na Gang at may kasong robbery/snatching.
Ayon pa kay Obon, nakalaya si Comora sa bisa ng piyansa at muling umatake sa mga PUJ. Kung dati ay snatching lamang ang lakad ni Comora, ngayon ay holdap naman.
Ganito ang nangyari nang holdapin ng grupo ni Comora ang isang pampasaherong jeepney (PXH-299) na may biyaheng Cubao-Fairview na minamaneho ng isang Felmar Berdera, 33. Sakay ni Berdera ang may 13 pasahero nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni PO2 Jonald Unida, nangyari ang insiÂdente sa may pagitan ng Seattle at Brooklyn Sts., sa Brgy. Immaculate Concepcion, ganap na alas 9 ng gabi. Bago nito, sumakay umano ang mga suspek sa terminal ng PUJ sa may Arayat, Cubao na nagkunwaÂring mga pasahero. Pagsapit sa nasabing lugar, agad na naglabas ng patalim at baril ang mga suspek saka tinutukan ang driver at nagdeklara ng holdap.
Matapos nito, agad na sinamsam ng mga suspek ang gamit ng mga biktima, bago tuluyang nagsipagtakas sa hindi mabatid na direksyon.
Sa presinto, pinagdudahan ng mga biktimang pasahero ang driver na kasabwat ng mga suspek dahil hindi raw agad ito nagpunta sa presinto kung hindi pa nila pinilit.
Patuloy ang follow-up operation ng otoridad sa nasabing insidente.