Foreign fugitives minamanmanan ng BI

MANILA, Philippines - Mahigpit ang isinasagawang monitoring  ng Bureau of Immigration sa foreign fugitives  na nasa bansa kasunod ng  pagkakadakip sa  isang Amerikano na wanted sa kasong panggagahasa sa Estados Unidos.

Ayon kay Immigration Commissioner Siegfred­ Mison, two counts ng kasong  rape  ang kinahaharap ni Phillip Vaughn Cox, 53. Isang menor de edad ang  biktima ni  Cox.

Sinabi ni  Mison na si Cox  ay nadakip sa pinagsanib na puwersa ng BI’s Fugitive Search Unit at ng pulisya sa Brgy. Pagdalagan Sur, Bauang, La Union dakong alas-11 ng umaga noong Huwebes.

Paliwanag ni  Mison, ilan sa mga fugitives ay pumasok ng bansa bilang tourist  subalit dahil sa pagkakaroon ng kaso maituturing itong “undesirable aliens” kung kaya’t dapat lamang na agad na mapabalik sa Amerika.

Sa bisa ng  warrant of arrest, sinalakay ng mga awtoridad ang  pinagtataguan ni  Cox kung saan kilala ito ng  kanyang mga kapitbahay bilang si “Patrick”.

Subalit ng tignan ang  drivers license nito nakumpirma na si “Patrick” at  Cox ay iisa.

Kasalukuyang nasa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig City si Cox habang  hinihintay ang kanyang deportation.

Show comments