Maynila paliliwanagin sa gabi ng solar powered LED lights
MANILA, Philippines - Inaasahang liliwanag kahit na sa gabi ang lungsod ng Maynila bunsod na rin ng patuloy na paglalagay ng solar-powered LED lights sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Kamakalawa ay 50 pirasong solar-powered LED street lights ang sinimulang ilagay sa kahabaan ng España mula Antipolo St. hanggang Rotonda.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, ang mga inilagay na LED street lights ay bahagi ng 10,000 units na donasyon ng Global Gold Goal Inc. (GGGI) matapos ang isang memorandum of agreement noong September, 2013.
Noong nakaraang buwan ay nilagyan na rin ng 10 solar-powered LED street lights ang Raja Soliman sa Roxas BouleÂvard na malaking tulong sa publiko at motorista.
Ang mga street lights ay mayroon ding CCTV at led digital signboard na nagkakahalaga ng P200,000 na tatagal ng 50 taon. Inaasahan na matatapos ang paglalagay ng 10,000 solar-powered street lights sa anim na distrito sa taong ito kung saan inaasahan din na makatitipid ang city government ng P18-milyon kada buwan o P400-milyon taun-taon.
Dahil dito, sinabi ni Estrada na magagamit pa sa ibang proÂyekto ang matitipid na bill sa Meralco kung saan makikinabang ang mga Manileño. Wala ring gastos ang city government sa paglalagay ng mga nasabing street lights.
- Latest