Lolo, 1 pa natupok sa sunog

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi  kabilang ang isang lolo habang sugatan ang tatlo pa nang sumiklab ang  sunog na naganap sa Taguig City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Taguig-Pateros District  Hospital ang biktimang si Pakirim Kudarat,  61 matapos itong ma-trap sa loob ng kanyang bahay samantalang na-recover naman kahapon ng umaga sa ilalim ng lababo ang bangkay ni Norayda Diamla, 40, kapwa residente ng Bgy. Maharlika Village ng naturang lungsod.

Nilalapatan din ng lunas sa naturang pagamutan ang mga sugatang sina Camila Tabawa,  nalapnos ang balat  nito nang madikitan ito ng nasusunog na tarpaulin; Alan Pomene,  na nabalian  naman at si Suraida Solayman, na napilayan ma­tapos tumalon dahil sa takot at pagkataranta mula sa ikalawang palapag habang  sa nasusunog ang bahay nito, ang mga ito ay pawang residente ng naturang  lugar.

Base sa report na natanggap ni Sr. Insp. Vener Sevilla,  ng Taguig City  Fire Department, naganap ang sunog ng alas-9:25 ng gabi sa  Mindanao Avenue, Bgy. Mahalika Village ng naturang siyudad,  na umabot ito  ng Task Force Alpha.

Tinatayang umabot sa 72 kabahayan ang tinupok ng ma­lakas na apoy at mahigit  sa 100 pamilya ang naapektuhan ng insidente.

Nabatid na alas-11:00 na ng gabi nang ideklarang fire-out ang sunog na sa tantiya pa rin ng mga awtoridad ay umaabot sa mahigit P300,000 ari-arian ang naabo.

Pansamantala namang nanunuluyan sa Maharlika Trade Center ang mga nasunugang pamilya kung saan tiniyak ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, na pagkakalooban ng tulong ng pamahalaang local ang mga pamilyang naapektuhan sa sunog. Sa ngayon patuloy ang pamamahagi ng pagkain ng  local na pamahalaan.

Patuloy pa rin ang  imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente kung ano ang naging sanhi nang  pagsiklab ng apoy.

Show comments