Number coding scheme, ibabasura
MANILA, Philippines - Tatanggalin na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipinatutupad na window hours sa number coding upang lumuwag ang trapiko sa mga lanÂsangan ng Metro Manila.
Kabilang ito sa mga panukalang inilatag sa katatapos na Traffic Management Summit na ginanap sa MMDA bilang paghahanda sa inaasahang matinding trapik na mararanasan sa Metro Manila kaugnay sa uumpisahang konstruksiyon ng infrastructure projects ng pamahalaan.
Sa ilalim ng kasalukuyang number coding scheme, itinakda ang window hours mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon kung saan sa mga oras na ito ay maaring makabiyahe sa lansangan ang mga sasakyang may plakang nasa ilalim ng coding scheme.
Ngunit kung aalisin ang window hours, hindi na maaring lumabas sa kalye ang mga sasakyan na apektado ng coding mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Sa ilalim ng pinaiiral na number coding scheme, ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa number 1 at 2 ay bawal bumiyahe tuwing araw ng Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; 5 at 6 tuwing Miyerkules; 7 at 8 tuwing Huwebes at ang 9 at 0 tuwing Biyernes.
Naniniwala si MMDA Chairman Francis Tolentino na sa ganitong paraan ay makatutulong ito upang mabawasan ang sasakyan sa kalsada.
Nilinaw pa rin ni Tolentino na idadaan pa rin sa pag-aaral ang naturang panukala.
Maging ang iskedyul ng mga truck sa pagde-deliver ng mga produkto ay kinaÂkailangang baguhin at magkaroon ng adjustment kung saan base sa mungkahi sa tuwing gabi na lamang gagawin ang pagde-deliver ng mga produkto.
- Latest