Gapos Gang umatake sa QC

MANILA, Philippines - Umaabot sa P.5 milyong halaga ng ari-arian ang ni­limas makaraang pasukin ng kilabot na Gapos Gang ang bahay ng isang pamilya sa Quezon City kahapon ng umaga.

Sa impormasyong nakalap ng Pilipino Star NGAYON­, bandang alas-11 ng umaga nang pasukin ng mga miyembro ng Gapos Gang ang bahay ng biktimang si Boy Serrano sa Veterans Village sa na­sabing lungsod.

Ayon sa isang miyembro ng pamilya na si Cristine Louie, apat na armadong lalaki na sakay ng gray na Crosswind ang sumalakay sa kanilang tahanan kung saan nagawang igapos at lagyan ng tape ang bibig ang kanyang tatay, bago tuluyang limasin ang mga alahas at cash sa kanilang bahay.

Sinasabing nakapasok ang mga kawatan matapos tiyempuhang pumasok ang ama ni Cristine mula sa fax station na malapit sa kanilang bahay.

Nabatid na papasok sa gate ng kanilang bahay si Boy nang biglang huminto ang sasakyan kung saan nag­sipagbabaan ang tatlong sakay nito na mga armado ng baril.

Kinaladkad papasok ng bahay si Boy saka iginapos ang mga kamay saka naghalughog sa buong kabahayan.

Gayon pa man, naka­lundag sa bubungan ang isa sa anak ni Boy na si Mark Louie matapos makatunog na may nagaganap na ka­guluhan sa loob ng kanilang bahay.

Tinangkang buksan ng mga kawatan ang silid ni Cristine Louie pero naka-lock kung saan nagpasya ang mga ito na umalis matapos mabatid na may nakalabas na sa pamilya ng biktima.

Nagkalat ang mga gamit­ sa buong kabahayan at nawa­wala ang kanilang pera at alahas matapos magpasyang bumalik ni Cristine mula sa bubungan ng kanilang kapitbahay.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Quezon City Police District Station 2.

 

Show comments