MANILA, Philippines - Bukod sa naging mapayapa ang ginanap na ‘worldwide walk’ ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagsimula sa bahagi ng P. Ocampo street sa CCP complex at nagtapos o nag-‘finish line’ naman sa Luneta sa Roxas Boulevard, sa Maynila kahapon, tagumpay din na nakuha ang world record na biggest charity walk dahil naungusan na nito ang record ng Singapore.
Nabatid na na-break na ang record ng biggest charity walk na nakuha ng Singapore noong May 2000 na umabot lamang sa mahigit 77,000 na nakilahok kumpara sa naitala kahapon sa idinaos na walk for a cause para sa Yolanda victims dahil mahigit sa 175,000 ang nakilahok kahapon, batay sa monitoring team ng Sycip Gorres and Velayo Co. na isinumite sa adjudicator ng Guinness World Record na si Kirstie Bennet.
Tumayong deputy overall commander ng event si P/Supt. Marcelino Pedrozo, hepe ng District Public Safety Batallion (DPSB) sa kaganapan na sinimulan ang walkathon ng alas-9:00 ng umaga at nagtapos ng alas-3:00 ng hapon.
Pawang nakasuot ng puting t-shirt at puting wristbands ang mga lumahok.