MANILA, Philippines - Arestado ang tatlong lalaki na sakay ng isang kotse na walang plaka nang mamataan ng mga pulis sa isang checkpoint na naging dahilan din upang mabuko na may karga pa itong mga baril, sketch at mga cellphone na hinihinalang gagamitin sa surveillance o krimen sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sinisiyasat pa ang background ng mga naaresto kung may grupo na sangkot sa holdapan, pangangarnap o gun for hire, bagamat pansamantalang ipiÂnagharap na ang mga ito ng mga kasong reckless drivingÂ, driving without license plate at Illegal possession of firearms.
Nakilala ang mga dinakip na sina Jessie Berin, 34; kapatid nitong si Jerson, 28, at Abiden Renta, 34. Nabatid sa ulat na dakong alas-9:30 ng gabi nang parahin ni C/Insp. Rey Cocson, ng MPD-District Public Safety Battalion, at ng kanyang mga tauhan ang walang plakang itim na Toyota Vios sa isang checkpoint sa TM Kalaw, sa Ermita, Maynila.
Naghinala ang mga pulis dahil sa walang plate number, tinted pa ito at may conduction sticker na TW 9066 kaya pinabuksan ang bintana at doon nakita sa lapag ng sasakyan ang 2 kalibre .45 pistola. Ikinatwiran ng mga suspek na papauwi na sila sa Cavite at umamin na may sinu-surveillance lamang sila subalit idinepensa na hindi umano nila alam kung bakit may mga baril ang kotse na hiniram lamang nila.
Wala rin umanong tinukoy kung sino ang pakay sa surveillance. May nakuha ring mga kopya ng sketch mula sa mga suspek.