MANILA, Philippines - Bunga umano ng matinding depresyon sa pagkamatay ng ama, isang binata ang nag-amok kung saan napatay niya ang pinsan habang sugatan din ang kanyang ina at isang rumespondeng tanod. Napatay din siya ng sumaklolong kapitÂbahay na pulis sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang amok na nakilalang si Mark Victor Yanguas, 26, ng Block 14, Lot 11, Fern St., Evergreen County, Zapote, Biñan, Laguna.
Napatay nito ang pinsang si Madlyn Kane Lee, 31, residente ng M. Hizon St., Sta. Cruz, Maynila. Nabatid na kapapanganak lamang umano ni Madlyn na nagtamo ng anim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sugatan din sa insidente ang ina ng suspect na si Maria Josie Yanguas, 51, at ang nagrespondeng barangay tanod na si Edgardo Alcantara, 45, ng Sta. Cruz, Maynila.
Sumasailalim naman sa imbestigasyon ang sumaklolong si PO1 Christian Greg Reyes, 30, nakatalaga sa Kamuning Police Station (PS-10) Quezon City, na pinsan naman ng misis niyang si Karen ang suspek.
Sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi nitong Martes nang maganap ang insidente sa bahay ng biktimang si Lee.
Nabatid na nagtungo umano si Mark Victor sa bahay ng pinsan na si Lee, at sinabing may mga humahabol sa kanya na mga armadong lalaki.
Dahil sa kondisyon ng binata ay tinawagan ng mga kaanak ang ina nito na si Maria Josie upang sunduin. Nang dumating na ang ina at kapatid na si Dam upang sunduin ay nagtatakbo ito sa kusina at kumuha ng patalim, hinabol ang ina at kapatid at nasaksak sa likod ang nanay.
Nagulat na lamang ang naghuhugas na si Lee nang biglang undayan din siya ng saksak, na nakatakbo pa umano ng kuwarto subalit hinabol muli ng amok na pinsan at nang makorner ay pinagsasaksak pa muli sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Narinig naman ni PO1 Reyes ang komosyon, habang nagÂpapahinga ito sa kalapit na kuwarto, kaya rumesponde ito kasama ang barangay tanod na si Alcantara. Nang makitang papasok ang dalawa ay agad nagkulong sa silid ang suspek na may hawak na patalim at dos-por-dos.
Sapilitang binuksan ni PO1 Reyes ang pintuan subalit sinugod sila ng palo at saksak ng suspek kaya pinutukan siya sa hita. Hindi pa rin napayapa ang suspek at sumusugod pa kaya napilitan umanong barilin muli ito ni PO1 Reyes na tumama sa dibdib.
Bago ang insidente, alas-3:30 ng hapon nang magpaalam ang suspek sa ina na magpapakonsulta sa Philippine General Hospital (PGH) upang magtungo sa mga kaanak sa Sta. Cruz, kung saan naganap ang krimen kinagabihan.
Nabatid na simula nang mamatay umano nitong DisÂyembre 2013 ang ama, naging malulungkutin at nawawala na sa sarili ang suspek.