DOTC kakasuhan ng graft sa LRT-MRT ticketing system

MANILA, Philippines - Nagbabala ngayon ang  isang consumer bloc na sasampahan nila ng kasong graft ang mga opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) kung itutuloy ang planong P1.76 billion LRT-MRT common ticket system project.

Ayon kay Jason Luna, convenor ng Coalition of Filipino Consumers, malamang na kasuhan nila ng graft sa Office of the Ombudsman ang DOTC matapos nitong desisyunang i-award ang proyekto sa isang bidder na sinasabing nag-alok ng isang bid na makasasama sa taumbayan.

Maaalaalang binuksan ng DOTC ang bidding para sa LRT-MRT common ticketing system project noong isang taon sa halagang 1.76 bilyong piso. Makikinabang aniya sa nasabing proyekto ang mahigit 4.6 milyong Pilipino ang gumagamit ng LRT at MRT.

Para kay Luna, maganda­ ang proyekto dahil hindi na mahihirapan pa sa pagba­ba­yad ang mga commuters at maidudugtong na ang ba­yaran ng LRT at MRT. Kikita pa umano ang mga bidders sa advertising revenues mula sa mga smart cards.

Mawawala na rin ang mahabang pila sa mga istasyon ng LRT at MRT dahil papa­litan na ang magne­tic stripe system ng isang contactless smart card techno­logy, na i-ta-tap na lamang ang card sa makina bilang katunayan ng bayad.

Sa siyam na bidders, na shortlist ito sa lima hanggang sa tatlong malalaking bidders na lamang ang natira. Nagsu­mite ng negative bids ang mga bidders na ang layunin ay ibalik ang mahigit P1 bilyong piso sa pamahalaan bilang concession fee. Ayon kay Luna, hindi umano­ makatarungan na mag­­hintay pa ng sampung taon ang pamahalaan para makumpleto ang bayad na P800 milyon.

Pabor rin ang CFC na pa­tutukan sa kongreso, lalo na sa senate blue ribbon committee ang nasabing ano­malya sapagkat hindi sapat na naipaliwanag ng DOTC bakit ga­noon ang kanilang naging desisyon.

 

Show comments