MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng mga kasong attempted robbery, alarm and scandal at destruction of government properties ng pulisya ang pitong miyembro ng ‘Termite gang’ na nagtangkang manloob sa mga pawnshop sa pamamagitan ng pagdaan sa imburnal noong Miyerkules sa Pasay City.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ng pulisya sa Pasay City Prosecutors Office ang mga suspek na sina Mark Campus, 29; Florentino Manuel Jr., 33; magkapatid na Rodrigo, 27 at Rolando Yumul, 33,; Armando LeoÂnardo Jr., 32; Marlito Segura, 32, at Marlon Zafe, 38, na pawang mga taga Pasay at nakakulong ngayon sa detention cell ng Pasay City Police.
Nabatid kay Senior Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police, mismong kawani ng Magdalena Pawnshop, na matatagpuan sa panulukan ng Libertad at Decena Sts. na si Moises Villamor ang nakakita sa ginagawang paghuhukay ng mga suspek sa imburnal nang lumusong siya rito alas-11:30 ng umaga matapos mapuna ang pag-uga ng seÂmento sa gilid ng naturang establisimiyento.
Kaagad na ipinabatid ni Villamor sa pulisya ang naÂtuklasan kaya’t nang magÂresponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT), pinaligiran nila ang lugar, pati na ang dulo ng imburnal sa Tripa de Galina kung saan posibleng dumaan ang mga suspek sa kanilang pagtakas.
Sa kabila ng ginawang pagkumbinsi ng pulisya sa mga suspek na sumuko, nagmatigas pa ang mga ito kaya’t napuwersa ang kapulisan na humingi ng ayuda sa engineering department ng Pasay City Hall Office at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mabuksan ang maÂlaking takip ng imburnal.
Matapos ang halos pitong oras na pagtugis, alas-6:00 na ng gabi nang lumabas sa imburnal at sumuko ang mga suspek mula sa drainage ng Tripa de Galina matapos na makuha sa binuksang imburnal ang mga kagamitan na ginagamit nila sa paghuhukay.
Ayon sa pulisya, hindi lamang ang Magdalena Pawnshop ang target ng mga suspek dahil nadiskubre rin ng engineering team ng city hall ang mga tiniktik ng semento na patungo rin sa Ochoa Pawnshop, Megatrend Pawnshop, Security Bank at Ablaza Pawnshop na nasa hilera lamang ng Libertad St., ng naturang lungsod.