MANILA, Philippines - Kinasuhan na ng Philippine National Police (PNP) ang security agency ng Forbeswood Heights Condominium kung saan nabanatan ang TV host na si Vhong Navaro.
Inireklamo ng Taguig City Police ang United Megaforce Security Services ng obstruction of justice dahil sa hindi pagbibigay ng impormasyon sa insidenteng naganap noong Enero 22 sa pagitan ni Navarro at grupo ng negosyanteng Cedric Lee at modelong Deniece Cornejo.
Sinabi ng mga pulis na nilabag ng Megaforce ang Presidential Decree 1829 penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders.
Kaugnay na balita: Areglo at hindi pangingikil ang ginawa ni Lee kay Vhong - Fortun
Nitong Lunes ay sinabi ni Major Sonny Celedio ng PNP Civil Security Group na iniimbestigahan na nila ang security agency dahil sa hindi pagsusumbong sa insidente sa pulisya.
"We are looking into the infraction of the security agency for failure to report the incident within 24 hours," banggit ni Celedio.
Dagdag ni Celedio na isang tawag lamang naman ang kailangan gawin ng mga sekyu upang ipaalam sa mga pulis ang nangyari.
Kaugnay na balita: Vhong nakalabas na ng ospital, humarap sa DOJ
Samantala, sinabi ng Megaforce na hindi sila pinayagan ng pamunuan ng Forbeswood na ibigay sa mga pulis ang kopya ng kuha ng closed-circuit television cameras, logbook at iba pang dokumento.
"We are subject to the desires of our client," wika ng abogadong si Wilfredo Molless ng Megaforce nitong nakaraang linggo.
Anila, nakipagtulungan na rin naman ang kanilang mga tauhan sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.