MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) Cyber Response team ang operasyon ng online gambling kasunod ng pagkakaaresto sa sampung Koreano na operator nito sa serye ng raid sa Fort Bonifacio Global City, Taguig, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Sr. Supt. Gilbert Sosa, director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ikinasa ang operasyon matapos na humiÂling ang International Criminal Police Organization, INTERPOL South Korea na tulungan silang matunton ang kinaroroonan ng mga suspect na kanilang nalamang nagtatago dito sa Pilipinas.
Kinilala ni Sosa ang 2 sa mga naarestong suspect na sina Lee Youn Ju at Jin Ho Lee habang ang iba pa ay patuloy na iniimbestigahan dahilan hirap ang mga itong makaintindi ng salitang English na kailangan pa ng interpreter.
Bandang alas-11 ng umaga kamakalawa ng mag-umpisa sa serye ng operasyon ang PNP-ACG sa ilang units sa isang condominium sa Fort Bonifacio Global City, Taguig.
Dinakip ang naturang mga Korean operators sa bisa ng ipinalabas na search warrant ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 56 Acting Presiding Judge Raineda Estancia Montesa kaugnay ng paglabag ng mga suspect sa kasong Section 9 sa ilalim ng Republic Act 8484 ( Access Devices Regulation Act of 1998). Nasamsam mula sa mga ito ang iba’t ibang klase ng passbook, sari-saring mobile phones, ID laptop at iba pang mga kagamitan sa pag-ooperate ng illegal online games.