3 ‘Acetylene gang’, naglungga sa imburnal

Mahigpit na binantayan ng mga tauhan ng Pasay City Police-SWAT  ang lahat ng posibleng lagusan ng umano’y tatlong miyembro­ ng ‘Acetylene gang’ na nagtangkang manloob sa isang pawnshop sa lungsod sa pamamagitan nang pagsisimulang paghukay­. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Tatlong kawatan, na hinihinalang  miyembro ng ‘Acetylene gang’ ang nagtago sa imburnal matapos tangkain ng mga ito looban ang isang pawnshop sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Ayon sa Pasay City Police alas-11:00 ng umaga nang tangkain umanong looban ng mga suspek ang Magdalena Pawnshop na matatagpuan sa Libertad St., ng naturang lungsod.

Nauna rito, pinasuri umano ng may-ari ng pawnshop sa isang tauhan ang pagyanig sa kalsada kung kaya’t sinilip naman ng boy ang imburnal at tumambad sa kanya
ang tatlong suspek na armado ng baril at dahil sa takot ay agad na tumakbo saka nagsumbong sa pulisya.

Nabatid, na pinalibutan naman ng Pasay City Police SWAT Team ang imburnal para mahuli ang mga suspek, subalit nagkaroon ng barilan sa pagtangka ng mga pulis  na palabasin ang mga ito at wala pa namang naba­litaang nasaktan sa sagupaan.

Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin na binabantayan ng mga pulis ang lahat ng lagusan, pero hindi pa rin nakikita ang mga kawatan.

Show comments