Ginang biktima ng carjack sa QC
MANILA, Philippines - Isang retiradong ginang na miyembro ng military ang natangayan ng sasakyan ng dalawang armadong suspek habang nakaparada sa isang lugar sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Helen Igne, 45, isang retiradong miyembro ng Philippine Army ay dumulog sa himpilan ng Quezon City Police Station 10 para ireklamo ang pagtangay sa kanyang itim na Mitsubishi Estrada pick-up (RLY-330) sa Brgy. Sacred Heart.
Ayon kay Igne, dalawang lalaki, isa sa mga ito ang tumutok sa kanya ng baril, ang siyang tumangay sa kanyang sasakyan, ganap na ala-1 ng hapon.
Sinabi ni Igne kay PO2 Myron Forosan, imbestigador, nasa loob siya ng nakaparada niyang sasakyan sa kahabaan ng Scout Fuentebella St., malapit sa panulukan ng Scout Ybardolaza para sunduin ang kanyang anak nang maganap ang insidente.
Nang mga oras na iyon, ayon kay Igne ay bahagyang nakabukas ang bintana ng sasakyan, nang lapitan siya ng mga suspek. Mula doon ay bigla na lamang umanong tinutukan ang biktima ng baril ng mga suspek, saka kinuha ang kanyang sasakyan, bago tuluyang humarurot papalayo at iniwan siya sa lugar.
Ang kaso ay hawak na ng Quezon City Police District-Anti-Carnaping Unit sa Camp Karingal, para sa masusing imbestigasyon. Inalarma na rin ng awtoridad ang naturang sasakyan sa lahat ng kapulisan para sa posibleng pagrekober dito.
- Latest