MANILA, Philippines - Sugatan ang isang estudyanteng Taiwanese nang pagtulungang saksakin ng dalawang babae na umano ay humoldap sa una sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Lin Yu Yuan, 26, lalaki, estudÂyante ng Far Eastern University at residente ng Banawe St., Quezon City, na nasa ligtas na ngayong kalagayan.
Sa report ng pulisya, alas-9:30 ng gabi, bibili umano ng tikoy ang biktima sa nasabing lugar nang maramdaman ang kamay ng isang babae na kumakapa sa kanyang wallet.
Pumalag umano ang biktima at nang mahawakan ang kamay ng suspek at akmang sasapakin subalit bago pa man siya makaporma ay sinaksak na umano ang una sa dibdib ng isa pang babae na hinihinalang kasamahan din ng unang suspek.
Maliban sa dalawang suspek na babae, isa rin umanong lalaki na kasamahan ng mga babaeng kawatan ang tumulong sa mga bebot sa pagtakas, habang isinugod naman ng ilang saksi ang sugatang biktima.
Tiniyak ng biktima na makikilala niya ang mga suspek sa sandaling makita niya ang mga ito.