MANILA, Philippines - Tatapusin kaagad sa lalong madaling panahon ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) ang imbestigasyon sa mga security guard na nagbabantay sa Forbeswood Heights condominium sa The Fort, Taguig City kaugnay ng pambubugbog sa actor/tv host na si Vhong Navarro noong Enero 22.
Ito ang inihayag kahapon ni Chief Inspector Sonny Celedio, Administrative Officer ng PNP-SOSIA matapos na lumutang na kahapon ang dalawang security guard at ang ahensya ng mga itong United Megaforce Security Services Inc. sa Camp Crame upang ipaliwanag ang kanilang panig.
Kaugnay nito, pinagmulta naman ng PNP-SOSIA ng halagang P5,000 ang naturang security agency matapos na mabigo ang dalawang guwardiya na nakaduty ng gabing mabugbog si Vhong na ireport kaagad sa kanilang tanggapan ang insidente sa loob ng 24 oras.
Ikinatwiran naman ni Alfredo Molles, Operations Manager ng United Megaforce Security SerÂvices Inc. na sadyang ipinaantala ng company management ang pagsusumite ng report sa insidente kaya hindi sila kaagad nakatugon dito.
Sa pahayag naman ni Domingo Lero, ang seÂcurity guard na nakaÂpuwesto sa lobby ng Forbeswood, hindi umano niya napansin na bugbog-sarado at nakagapos ang dalawang kamay ni Vhong ng bumaba sa lobby dahilan nakapaikot rito ang grupo ni Cedric Lee. Kinumpirma rin nito na dalawang beses na niyang nakita ang aktor na nagtungo sa nasabing condominium.
Nabatid pa kay CeÂledio na kapag nakagawa ng pangalawang pagkakamali ang nasabing security agency ay tataÂasan na ang multa nito ng P10,000 hanggang P15,000. Samantalang sa tatlong pagkakataon na makagawa muli ang mga ito ng pagkakamali ay tatanggalan ng lisensya ang naturang security agency at maging ang mga security guard nito na hindi na maaring magtrabaho pa sa nasabing propesyon.
Inihayag pa ng opisyal na depende sa resulta ng imbestigasyon ang kanilang ipapataw na kaparusahan kung saan kabilang rin dito ang pagsaÂilalim muli sa pagsasanay ng naturang mga security guard.