MANILA, Philippines - Hangad ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang mas progresibo at matiwasay na Chinese community kasabay ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa loob ng 15 araw.
Ayon kay Moreno, hangad niya na mas lumawak pa ang negosyo ng mga kapatid na Chinese hindi lamang sa Binondo kundi maging sa buong bansa.
Sinabi ni Moreno na walang dapat na ikabahala ang mga negosyanteng Chinese dahil patuloy na pagpapaigting sa kanilang seguridad ang ginagawa ngayon ng local na pamahalaan sa pamumuno ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Aniya, hihigpitan pa ng local government ang kanilang kampanya laban sa kotong at iba pang uri ng harassment sa mga negosyante.
Paliwanag ng bise alkalde kailangang maibalik ang tiwala ng mga negosyanteng Intsik na mamuhunan sa lungsod tungo din sa pag-unlad ng bansa.
Umaasa rin si Moreno na bubuti ang relasyon ng Filipino at Chinese na negosyante.
Matatandaang pinangunahan nina Estrada, Moreno at 3rd District Councilor Bernie Ang ang pagsalubong sa Chinese New Year sa Binondo, Maynila.