MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng Manila City Jail (MCJ) na mahirap nang maipasok dito ang mga iligal na droga at iba pang kontrabando.
Ayon kay MCJ Warden Supt. Baby Montalvo, dumadaan ang lahat ng mga dalaw at maging ang mga supply sa masu-sing inspeksiyon upang matiyak na walang kontrabando tulad ng shabu ang makakalusot.
Aminado si Montalvo na madali lamang maipasok ang mga illegal drugs kung saan dinaan ito sa dalaw, kutsabahan ng mga personnel at paggamit sa mga bahay sa paligid ng MCJ.
Subalit aniya, hindi na nagagawa ito dahil na rin sa mahigpit nilang pagbabantay at body searching.
Dahil dito, sinabi ni Montalvo na hindi nawawalan ng bantay sa taas at paligid ng bakod ng MCJ upang masiguro na walang lulusot na alak, patalim at mga droga.
Bukod pa dito ang dagdag na CCTV camera na inilagay sa loob ng mga preso upang mamonitor ang kanilang mga galaw.