Travel agency pinasabugan

MANILA, Philippines - Isang travel agency ang pinasabugan ng granada ng riding-in-tandem kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Ayon sa pulisya wala namang iniulat na nasugatan sa insidente na naganap dakong ala-1:58 ng madaling-araw sa Jam Travel Services na matatagpuan sa panulukan ng Apollo at Airline Sts. ng naturang lungsod.

Nabatid na bago ang pagpapasabog isang motorsiklo na angkas ang dalawang suspek na paikot-ikot sa naturang tanggapan at ilang mi­nuto muna umanong tumambay sa waiting shed na malapit lamang sa naturang travel agency.

Nang matiyak ng walang tao kung kaya’t isa sa mga suspek ang bumaba ng motorsiklo at lumapit sa tanggapan kung saan binasag nito ang glass door saka inihagis ang granada sa loob at sumabog. Matapos ito mabilis na tumakas ang mga suspect.

Nabatid kay P03 Randy Fortuna, nakata­laga sa SWAT ng Pasay City Police base sa mga narekover na bahagi ng granada, isa itong MK2 hand grenade.

Sa naging pahayag ng may-ari ng Jam Travel Services na si Jennifer Alba, blangko sila sa motibo sa krimen dahil wala naman silang kaaway.

Nabatid, na isang lalaki naman ang di­nam­pot at nasa custody ngayon ng pulisya na pansamantalang hindi muna pinangalanan matapos makita malapit sa pinangyarihan ng pagsabog at kaduda-duda anila ang kilos nito  lalu’t walang plaka ang motorsiklong dala nito.

 

Show comments