Cornejo at Lee hindi tatakbuhan ang mga kaso - abogado

MANILA, Philippines – Tiniyak ng abogado nina Deniece Cornejo at Cedric Lee na haharapin nila ang mga nakasamapang kaso laban sa kanila, taliwas sa mga ulat na lilipad sila palabas ng bansa.

"Wala naman silang planong umalis," pahayag ng abogadong si Howard Calleja sa isang panayam sa telebisyon kung saan itinangging nakapag-book ng flight ang dalawa patungong Singapore sa Pebrero 6.

"Madali magpa-book kahit naman sino... Baka may ibang tao, naninira lang sa kanila, nag-book para sa kanila," dagdag niya.

Siniguro din ng abogado na kung aalis man sina Cornejo at Cedric ay babalik din ang mga ito.

Kaugnay na balita: Flight ni Cornejo at Lee pa-Singapore 'di pa kumpirmado ng NBI

"Kung totoo na sila ay aalis, bilang abogado ay ipapangako ko sa'yo ... na sila ay babalik," wika ni Calleja.

Aniya nakataya rin sa kaso ang kanyang reputasyon at professional licenses sa Pilipinas at Amerika.

Hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon  sa Bureau of Immigration na magkaroon ng lookout bulletin order laban kina Cornejo at Lee upang hindi makalabas ng bansa.

Sinabi ni NBI Director Virgilio Mendez na inihain na niya ito sa opisina ni  Justice Secretary Leila de Lima upang aprubahan.

 

Show comments