MANILA, Philippines - Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos barilin ng riding in tandem habang ang biktima ay nakaangkas naman sa isa ring motorsiklo sa Caloocan City kahapon ng madaling- araw. Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala ng .45 baril sa ulo ang biktimang tinatayang nasa 30 hanggang 35 ang edad, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na short.
Ayon sa sketchy report ng Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente ala-1:14 ng madaling-araw habang ang biktima ay nakaangkas sa isang motorsiklo na minamaneho ng hindi pa kilalang kasama nito.
Pagsapit sa kahaban ng C-3 Road, panulukan ng Dagat-Dagatan Avenue ng naturang lungsod ay huminto ang mga ito kung saan dumating naman ang mga suspek na sakay din sa motorsiklo ng hindi nakuha ang plaka at walang sabi-sabing binaril ang biktima bago mabilis na nagsitakas.
Bumagsak ang motorsiklo at ang duguang biktima habang agad namang itinayo ng nagmamaneho nito ang motorsiklo saka iniwan ang walang buhay na katawan ng babae.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril. Inaalam na rin kung sino ang nagmamaneho ng motorsiklo na inangkasan ng biktima.